Pagkabuo ng kalawakan
Puwesto ng mga planeta
Kailangan ko ng kasagutan
Ikaw ang naglagay ng mundo sa aking bulsa
Sumungkit ng tala upang may makasama raw sa pag-iisa
Ginawang tahanan ang iyong kanlungan
Nagsimulang sumulat ng kwento tungkol sa ating pag-iibigan
Kasagutan ang aking kailangan
Kailangan ko ng kasagutan
Kung paano mo ako iniwan,binalikan,pinaluha,iniwan at muling binalikan
Kung paanong tinapos mo ang ating kuwento na hindi mo pinangakuan ng wakas
Kung paanong ang pulseras na simbolo ng pagmamahalan ay napalitan ng laslas
Kailangan ko ng kasagutan
Kung paanong ikaw ang dati sa aki'y nagpapasaya ay siya ring dahilan ngayon ng aking pagluha
Kung paanong napapangiti ako noon ng iyong boses at napapaiyak ako ngayon ng iyong pangalan
Kung paanong ang dating uniberso sa aking bulsa ay pagmamay-ari ng ngayon ng iba
Ako yung kasama mo noong simula pero hindi na pala ako yung bida na makakatuluyan mo sa susunod na kabanata
Isa lang ang aking kailangan,
Kasagutan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento