Sabado, Hulyo 28, 2018

Kultura Series:"Kopya" ni Karl Christian C. Aldovino

Nilisan ko ang kabundukan
Humalik,niyakap hanggang sa nilaplap ang usok dito sa kapatagan
"Nais kong mag-aral at maiahon ang aking pamilya sa kahirapan"
Bakit hindi umuunlad ang bansa?
Dahil patuloy tayong nakikipagtalik sa "kultura"

Unang kabanata:
Ang silid na dapat sana'y lugar na kung saan ay tuturuan kang bumilang, bumasa, sumulat at maging matatag sa reyalidad ng buhay
Ay naging silid ng palakasan, pagkadismaya, "kumpetisyon", panlalamang at pagpapakitang gilas
WALANG KUWENTANG KULTURA!
Naging silid ng pagpapahiya, kulto ng kasutilan at katarasan, pinuputakte ng mga mahahabang sungay

Hindi ko hiniling ang malupit na pagpapahinuhon
Pero, bakit ganito? Mas mabigat pala ang panulat at libro kaysa sa pang araro
Mas mapait pa pala sa tanim naming ampalaya ang mga mali kong sagot
"TAMAD! BOBO!"Bakit tila dito ako pinapako ng puyat at binubuhay sa takot?

Hindi ginagapang ng aking magulang ang pagpasok ko para lamang lunukin ang mga panghuhusga mong hindi na makatao
Ito ang mahirap sa "Pilipino"-Magsasalita ka ng totoo?
BASTOS!SUTIL!PALASAGOT!
Sa papasukang silid ay tinulak lang ako
Dahil ito ang "kultura" na hanggang ngayon ay inyong sinusupsop

Ito ang bansang bawal sabihin kung ano ang iyong tunay na nakikita
Hindi nila masisikmura na ganun naman talaga ang iba sa kanila
Kultura na ang pagtatanga-tangahan, pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan
TEKA!BASTOS KANG BATA KA AH
Natatapakan ko na yata ang "kultura"

Sa bansang ito ay hindi sinisita ang "kultura"
HUDAS!
Kultura ang pangongopya,pagtatanong ng sagot at pangongodigo
HAYOP!
Sa ganito nagsisimula ang mga binhi ng tumor at kurakot

Kaya ba "kultura" na ang pagpasa at pagtanggap ng medalya para sa iyo?
Na alam ko at alam mo na wala kang ginawa para makuha ito
Patawad
Wala ka sa apat na sulok ng silid na ganito ang "kultura"
Nakakaawa ang bansa
Mapupuno ng katulad mong peste at kuyumad ng pang-iisa sa kapuwa

Hindi ako nag aral para turuang pumikit sa katotohanan
Hindi ako pumasok para husgahan mo na sa "iilang bata" lamang nakatingin ang mata
Pumapasok ako para matuto
Sinusuka ko ang "Kulturang Pilipino"
Manunulat ako at batay sa aking nakikita
ITO ANG "KULTURA".



(Ang anumang magagaspang na salita ay pinagpapaumahin ng inyong makata.Lubos akong umaasa na naiintindihan mo ang tula bago ka magwala.Ang anumang partikular na lugar o tao na maaalala mo habang nagbabasa ay hindi intensyon ng may-akda.Buksan ang isip at unawain ang tula.Pagpalain ka.Salamat sa pagbabasa!)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kahon

Hindi ko malilimutan kung paano mo ako inilabas sa kahon Palagi kong aalalahanin ang sinuong kong mga alon Kung gaano kahirap ang pagsigaw A...