Ikalabing tatlong araw ng buwan ang paborito ko
Ganoong araw dumarating ang malaking kahon
"Oh ito, para daw sa Ninang Celeste mo" tapos "itong sapatos para naman kay Nene, Diyos ko! dalaga na pala yung inaanak ko!"
Maraming Spam, Victoria Secret na pabango at ito "sabi ni mama hati daw tayo dito"
"anak kasya ba yung padala kong sapatos?" "Baduy ma ano ba yan di na uso to!"
Kinabukasan,abot tainga ang aking ngiti sa pagpasok ko sa eskwela
Gamit ang bagong bag at suot ang bagong relo na kulay puti
"masarap baon ko ngayon, Jolibee"
Gusto ka sanang kausapin ng mama mo sa telepono pero nagtulugtulugan ka kaya hindi na siya nagpumilit
Walang patawad ang pagkupit mo sa padalang salapi
Kumakayod ang iyong ina para sa matrikula ninyong magkakapatid
Ginagawang araw ang gabi,"naku kulang pa 'to sa utang ko kay Mareng Josi" kaya sa susunod na Pasko ay hindi na naman makakauwi
Mas masaya akong makita ang malaking kahon
Dahil aminado ako na sanay na akong wala ka rito
Diba noong huling balik mo ay nag-away lang tayo
Bida bida ka kasi, tuwang-tuwa ka sa pagiging nanay kahit anak naman ng amo mo ang iyong karga -karga
Ilang araw ka na raw hindi tumatawag at nagpaparamdam
"Psh,anong bago dun?" e ganun ka naman kapag wala kang perang mapadala
Mainit na naman tuloy ang ulo sa amin ng mga tao dito sa bahay ni lola
Napalya ka nga sa pagpapadala, sa pagiging nanay pa kaya?
Kasalanan mo naman kasi kung bakit umalis si Papa
Kung pwede lang sana humiling ng ibang nanay ,naku dati ko pang ginawa
"Ma ano yung cellphone na hinihingi ko kailan mo papadala?"
"Nak sorry kulang pa pe.."
"Pakshit naman Ma, ako nalang walang ganun samin sa tropahan!"
"Sige 'nak gagawa akong paraan"
Lumipas ang marami pang araw, linggo at buwan pero wala parin ang cellphone na pinangako mong gagawan mo ng paraan
Ikalabing tatlong araw ng buwan at malaking kahon na ang padala mo
pero hindi ko kayang tignan ang laman nito
wala na ang mga Spam, Victoria Secret na pabango o baduy na sapatos sa padalang ito
Ikaw na ang laman ng malaking kahon
Malamig na bangkay at puro pasa ang braso,binugbog ka daw ng iyong amo
Sayang
dahil hindi na maibabalik ng bagong puting relo ang mga panahong sinayang ko
Mama patawarin mo ko
Dahil doon kaya ayaw na ayaw ko na ng araw na ikalabing tatlo
Nawalan ng haligi pati ilaw ang aming bahay at nabawasan ng isang bayani ang bayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento