Martes, Mayo 10, 2022

"Istasyon"


Palagi kong tinitingnan ang mga nasa istasyon
May mga ngumungutngot kahit hindi naman gutom
May mga nagbubutingting para mapawi ang inip
At higit sa lahat, may mga tumatanaw

Napapatanong ako kung hanggang kailan sila sa istasyon
Kumain ba sila bago umalis? Bakit gutom sila?
Ilan pa kaya ang mabubutingting nila bago dumating ang hinihintay?
Sinong tinatanaw nila at anong oras kaya darating?

Bakit hindi na lang sila mauna?
Bakit hindi na lang nila hinintay para walang naiwan?
Ano kayang iniisip nila habang naghihintay?
Sa istasyon na mainit, maingay at maraming nakaharang sa durungawan
Makikita pa kaya nila ang kanilang hinihintay?
Sisiputin pa kaya sila?

Hanggang sa mapadpad ako sa istasyon
Maranasan kong mainip, bumutingting at tumanaw
Walang katiyakan sa istasyon
Pero sa puso ng naghihintay
Ay balewala ang tagal
Ang gutom
Ang mga nakaharang sa durungawan
Dahil walang ibang mahalaga
Kundi ang pagbalik ng kanilang kasama

Na kahit malayo ang biyahe
Mabako ang daan
Ang mahalaga ay magkasama na sila
Ulit
Hahawakan ang kamay
Sa takot na muling magkahiwalay
Walang kasiguraduhan sa istasyon
Pero ang paghihintay ay maraming aral na pabaon

Kaya maghihintay ako
Kakain kung magutom
Yayakapin ang pag iisa dahil hindi naman nakababagot ang paghihintay sa mahal mo
Ibulong mo sa hangin na ika'y hintayin ko
Nakikinig ako
Babaliin ang leeg sa pagtanaw
Na sa takdang oras
Darating ka
Sisipot ka
At kamay mo pa rin ang hahawakan sa panibagong biyahe ng buhay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kahon

Hindi ko malilimutan kung paano mo ako inilabas sa kahon Palagi kong aalalahanin ang sinuong kong mga alon Kung gaano kahirap ang pagsigaw A...