Sabado, Mayo 7, 2022

"Prof Greg"


"Bwisit talaga si Prof Greg, napakawalang puso! Hindi pa naman ako huli kaninang umaga! May limang minuto pa kaya! Kung hindi niya ako pinatindig sa labas ng klasrum at tinitigan mula ulo hanggang paa ay makapapasok pa ako sa klase niya. Akala mo kung sino! Kahit nga si Mam Glo iyamot sa ugali ng matandang 'yon!"
Galit na galit ako sa aking guro sa Filipino. Kung bakit nga ba kasi Filipino na lamang e ang dami pang hinihingi. Maging ang pagpasok ay kailangang mas maaga pa sa tatlumpung minuto? Tatlumpung minuto?! Adik ba siya? Sa tatlumpung minuto e matatapos ko ang isang episowd ng seryeng pinakikinggan namin ni Inay sa radyo. Kung hindi ba naman siya hibang! Paulit-ulit naman ang itinuturo. Humanda siya bukas, aagahan ko ng isang oras ang aking pagpasok! Kahit ako pa ang magbukas nitong klasrum at siya ang palabasin ko. Makikita niya.

Tulad ng ipinangako ko kagabi, maaga akong pumasok. Eksakto ala sais-bago pa tumilaok ang mga manok sa hardin ng aming paaralan. Maangas ang aking paglalakad habang iwinawasiwas ang aking lumang backpack. Agad akong umupo sa aking upuan dahil bukas ang pinto at tumatanglaw na ang liwanag.

Bukas ang pinto ng aming klasrum ngunit patay ang mga ilaw. Umupo ako sa aking upuan at umub-ob. Iiglip muna sana ako bago dumating si Prof Greg. Sinadya kong di buksan ang ilaw dahil si Prof Greg ang pumipindot non. Ayaw raw niyang pinaglalaruan namin ang switch, mabilis daw mapupundi ang ilaw.

Habang nakaub-ob ako ay nakarinig ako ng mga paghikbi. Mahina ang mga ito, pigil na pigil. Tila ayaw iparinig sa mga katulad kong nagtatago sa dilim. Lahat ng balahibo sa aking katawan ay tumayo. Pinagpawisan ako nang malamig. Hindi ko maitunghay ang aking ulo dahil lumalakas nang lumalakas ang paghikbi. Ilang segundo pa'y nauwi ito sa mga pabulong na hagulgol na sinundan ng mga pagsinghot at panginginig ng hikbi.

Takot na takot ako. Lahat ng santo na naririnig ko kay Nanay kapag malakas siyang nananalangin ay tinawag ko. Humingi ako ng tawad sa lahat ng kapilyuhang ginawa ko. Nagsisisi ako maging sa paglalagay ng bao sa bag ni Shiella kahapon. Kasalanan niya naman kasi, inasar niya akong bading tapos nagalit noong halikan ko. Kinausap ko ang Diyos at nangakong hindi na ako mangungupit sa pitaka ni Nanay kapag siya ay natutulog.

Natatakot na ako. May kasamang bulong na ang kaninang mga mahinang paghikbi. Magkatono ang aming panalangin-patungkol sa pagsisisi ngunit ang pinagkaiba lamang ay tila huli na ang lahat para sa umiiyak.

Nilakasan ko ang aking loob. Inalala ko ang pagpapatuli ko. Sinabi kong malaki na ako at di ako natatakot. Bago ko itunghay ang aking ulo, bumulong ang lumuluha ng "Patawarin mo ako...hindi pa rin ako sumusuko...nandito pa rin ako". Bahala na. Itutunghay ko ang aking ulo at tatakbo kung multo nga ang naririnig kong umiiyak. Teka, nakakaiyak pa ba ang multo e, multo na nga?

Bago ako tumunghay ay naalala ko kung kanino ang pamilyar na boses. Buo ito nang marinig ko noon. Matapang ito noong marinig ko kahapon ngunit bakit tila nangalahati at natakot ang boses na ito?

Pagtunghay ko ay nakita ko ang isang lalaking nakatindig sa sulok ng silid. Nakaharap ito sa kaliwa-sa may bintanang hindi ko pinupunasan kapag ako ang cleaners. Nakatanaw sa papasikat na araw. Pumikit siya at hinawakan ang dibdib. Muling binulong sa sarili ang sinabi ngunit ngayo'y mas mabagal at mas sigurado. Tila isa itong deklarasyon at pangako. Tila may kawalan sa kaniyang dibdib na tinatakpan ng burda ng kaniyang uniporme.

Tinitigan ko lamang ang lalaking nakatindig sa sulok. Hindi ko alam ang sasabihin sa kaniya. Aabutan ko ba siya ng panyo? Aamuhin ko ba siya na tila ako'y isang gurang na alam na ang lahat ng dapat gawin sa mundong ibabaw? Sasabihin ko ba sa kaniyang darating na ang kaniyang hinihintay? Hindi kaya lalong magalit sa akin ang lalaki kapag nalaman niyang nandito ako?

Gumapang ako palabas ng silid. Pumunta ako sa hardin at tumitig sa mga manok at alagang kambing ni Ka Jose. Lumanghap ako ng sariwang hangin at nilakasan ang loob na bumalik ngunit wala na akong intensyon na yabangan si Prof Greg sa maaga kong pagpasok.

Pagbalik ko ay buhay na ang ilaw. Nakaupo si Sir Greg at nagsusulat sa kaniyang kwaderno habang nagbabasa ng isang nobela-na uma-umaga ay nakikita raw nila Shiella na binabasa niya. Bumati ako ng magandang umaga kay Sir Greg-hindi na pagalit. "Wala kang dalang bag, Lukas?". "Ito po, naiwan ko po pala kahapon kalalaro". Bumalik siya sa pagsusulat at ako'y nagpanggap na may hinahanap sa luma kong bag.

"Letse talaga yang si Prof Greg! Imbis na makauwi at makatoma na kami e lilinisin ko pa yung room niyo! Kulang na lang dito na tumira! Ang aga-aga pumasok tapos gabi na uuwi!" Hinanakit ni Ka Jose nang dumaan ako sa hardin. "Bakit po lagi siyang ganon?" " Ewan ko don, ke aga-aga pumasok tapos huling umuuwi! Akala mo laging may hinihintay na dumating!Letse! Inom na inom na ako!

"Lukas, naiwan mo ba talaga ang bag mo kahapon dito sa klasrum? Diba sabi ko bawal mag-iwan ng gamit dito kapag nakapaglinis na?!" . " Opo Sir, pasensya na. Aagahan ko na pong pumasok bukas at hindi ko na iiwan ang bag ko sa susunod". Pagtalikod ni Prof Greg ay huminga ito nang malalim. Bakas ko ang galaw ng kaniyang balikat-hinga ng paglaya sa kaba at takot na may makaalam na maaga siyang pumasok hindi lamang para magbasa ng nobela na uma-umaga'y kinakabisado niya.

Ngayong araw, dalawa kaming nagsinungaling. Ang pinagkaiba nga lang ay nagsinungaling ako sa pag-iiwan ng bag at pagpasok nang huli habang ang isa ay sa araw-araw na pag ngiti at paniniwalang may babalik- UMA-UMAGA, GABI-GABI.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kahon

Hindi ko malilimutan kung paano mo ako inilabas sa kahon Palagi kong aalalahanin ang sinuong kong mga alon Kung gaano kahirap ang pagsigaw A...